Sunday, July 13, 2014

Tsinelas: Story of Jonathan


“Kung ano/sino ka ngayon sa kasalukuyan, yun ay dahil sa nakaraan. Ang mga ginawa at pinagdesisyunan mo ay nakaapekto kung ano ang nangyayari sa kasalukuyan”.

"Paunahan tayo ah? isa, dalawa, tatlo ! (Woooh)", nag-uunahang abutin ng tatlong bulinggit ang reyna sa loob ng malawak at mainit na kweba. Di pa man nakakaabot ang lahat ay isa na lang ang natira.  

"Salamat at nakaligtas ako sa piligro, Hi ako pala si athan, ikaw?" - Sperm Cell
 "Ako si Jon, ang bubuo sa iyong pagkatao. Tara magsanib pwersa na tayo" - Egg Cell

Nakakatawa mang basahin ngunit iyan ang katotohan, sa dalawang simpleng cell na nagtagpo ako nang galing. Bunga ng pagmamahalan ng aking ina at ama. Kalooban talaga ng Diyos na ako ay isilang sa mundong ito kaya hindi ko sasayangin ang bawat oras at minutong ibibigay niya sa akin.

Lumaki ako sa pamilyang Abinal/Quite na hindi naman masasabing mayaman at kilalang angkan. Sumibol itong pamilya sa lalawigan ng Camarines Sur (kaya ibig sabihin isa akong bicolano at iyon ang isa sa ipinagmamalaki ko). Maging isang bikolano ay hindi madali lalo na para sa akin, doon kasi ako pinanganak at ni-magsalita ng bikol e hindi ko alam pati pagkain ng maaanghang ay di ko magawa.

Galing sa biblia ang mga pinangalan sa amin nang aming mga magulang. Ako si Jonathan (sa biblia ay kaibigan ni David) sabi nila madrama daw ang buhay ko. Siguro nga madrama dahil simula pa lang pagkalabas ko sa mundong ito, e malateleserye na ang mga pangyayari sa amin (kung sa bagay lahat naman ng tao may kanya kanyang teleserye ng buhay). Kulang na lang isulat ko sa MMK para mailahad sa telebisyon at siguradong papatok ito. Narito ang ilang pasilip sa unang yugto ng aking buhay, ang kapanganakan.

Habang nagdadalang tao ang aking ina, puro sama ng loob daw ang naramdaman niya, paano ba naman pangatlo na niya akong anak. Ayaw na daw kasi niyang manganak ulit, mahirap daw. Ibig sabihin nabuo ako sa sama ng loob, kaya pala ganito ang ugali ko, laging may sama nang loob (grabe naman, HAHA). Nang manganak na ang aking ina (Hunyo 27), halos muntikan na kaming mamatay, nangingitim daw kasi ako ewan ko kung bakit? di ko pa natatanong.. at mahabang istorya daw baka makatulog ako. Laking pasasalamat ko dahil buti na lang hindi iyon natuloy kundi hindi niyo ko makakasama ngayon. Akalain niyo yun kung nawala pala ako noon hindi mararanasan ng mga nakasalamuha ko ngayon kung gaano kabibo, masiyahin, pala asar, maunawain at matamis magmahal si Jonathan. (BUTI NA LANG TALAGA!).

"Naniniwala ako na ang lahat ng nangyayari sa atin ay nakaplano at iniayos na nang Diyos. Pero tayo lang ang lumilihis sa mga planong iyon kaya kung minsan ay napapahamak o nadadapa tayo."

Habang sa aking paglaki may mga natutunan at nararanasan tayo. Nakaranas din naman akong madapa gaya ng ibang bata at sa karanasang iyon natututo akong bumangon at magsimulang muli. Alam ko na ang mga aral at karanasan na iyon ay aking magagamit, hindi man ngayon pero darating din ang araw na iyon. Naaalala ko pa nga dati na baliktad akong mag-isip. Ang tito ko ay nagiging tita, ang nanay ay nagiging tatay at halos lahat sa akin ay may pagkakabaligtad ang pag-iisip. Kahit na sa pagsuot man ng tsinelas ay hindi ako nagpahuli. Nakakatuwa na mabalikan ang ganoong karanasan na malayo na sa kung ano ako ngayon. Ito lang ang masasabi ko, lahat ng bagay sa mundong ito ay natutunan.

Ang tao ay may kanya kanyang pag-uugali, personalidad, talino, talento, estado at kakayahan sa buhay. Kaya lahat tayo ay walang karapatang manghusga ng kapwa o ng sinuman. Gaya na lamang sa isang pagkatao o personalidad na minsan ay namamali nang pagkakaintindi ng iba. Ugaling may pagkaharot ay agad nilang hinuhusgahan. Mayroon namang isang lalaki na may kilos na kung minsan ay masasabing may malambot na galaw at boses. Pero iyon ba ang basehan naten sa paghuhusga sa isang pagkatao? Ni-hindi man lang damhin o tingnan ang laman ng puso nang taong iyon. Walang malinis at matuwid na tao, hindi lang talaga maiiwasan na magawa natin iyon pero sabi nga sa bibliya, ang Diyos lang ang pwedeng manghusga sa ating lahat. Alam nang Panginoon, kung ano at kung saan ako nabibilang ngayon. Isa akong Christian at dito nasusubok ang pananampalataya ko sa Diyos at dito rin nahasa ang aking mga talento. Ayon nga rin sa bibliya, mangmang ang walang kaalaman sa salita nang Diyos. Salamat sa pag-ibig ng Panginoon at ako’y naligtas. (For by grace are ye saved through faith; and that not of yourselves: it is the gift of God: Not of works, lest any man should boast. Ephesians 2:8-9). Sa Diyos ang Kaluwalhatian! (TAAS NG SPIRITUAL SUGAR KO DITO! Woah!)

Narito ang ilang sa mga kaya kong gawin sa buhay. Marunong akong kumanta, sumayaw, magsulat ng kung ano anong istorya at umakting. Bata pa lang ako, sinanay na akong kumanta kaya ngayon nagagamit ko ito. Kaya lubos akong nagpapasalamat sa nagturo sa akin. Noong nasa elementarya naman ako, doon ako nagsimulang sumayaw hanggang sa naghayskul. Hindi ko akalaing matututo ako sa ganoong gawain pero ngayon iniiwasan ko ng sumayaw ulit sa kadahilanang mali at hindi ito karapatdapat sa isang katulad ko. Noon din, nag-umpisa akong gumawa gawa ng kwento at ito’y tungkol sa magkaibigan na may halong katatakutan. Isipin mo yun sa murang edad nakakaisip na agad gumawa ng istorya. (HAHA Estoryahe din kasi minsan!)

Nang maghayskul naman ako, tumaas ang tiwala ko sa sarili, kasabay na din nito ang pagiging mayabang ko at aminado na ako dun ngunit kalaunan pinagsisihan din naman dahil alam kong mali at di nararapat ang ganung pag-uugali. Palaban akong tao at di ako sanay na magpatalo pero natutunan kong mas maganda na kung minsan ay matalo rin dahil doon natin unti-unting makikita at mararamdaman ang tunay na pagkawagi. Nang magtapos ako sa hayskul, malabo pa sa akin ang mga pangarap ko sa buhay. Wala sa isip ko ang mga sinasabi nilang kurso basta ako masaya hanggang sa dumating na ang pagdedesisyon ko, lumapit ako sa Panginoon tinanong ko kung ano ba talaga ang kalooban niya para sa akin hanggang sa sinagot niya ito.

Marami akong gustong gawin sa buhay ko pero ang iba doon ay alam kong hindi ko kayang gawin at kayang maabot (DRAMA LANG!). Isang karangalan sa akin na makapasok ako sa isang kilalang unibersidad sa Maynila (ang PUP). Dati ayaw ko doon ngunit hanggang sa kalauna'y unti-unti ko na siyang minamahal. Pangalawa sa mga pinagpilian ko ang kinukuha ko ngayon sa kolehiyo.

*Theater Arts
*Communication Research
*Office Administration

Hindi ko akalaing ito ang tatahakin kong daan, ang alam ko lang masaya na ako kung nasaan ako ngayon. Ang kailangan ko na lang ay ipagpatuloy ang aking nasimulan.

Ilan sa mga pinangarap ko noon sa buhay:
PHOTOGRAPHER
DISC JOCKEY
ARTIST (TOTAL PERFORMER)
SCRIPTWRITER

Sabihin na nating wala pa akong ambisyon sa buhay, kung ano ang gusto ko maging balang araw pero para sa akin nasa hakbang pa lang ako sa paghahanap sa kung saan ako makakarating. Mas maganda ng ganoon kaysa sa walang pangarap sa buhay. Naaalala ko pa dati gusto ko paggising ko mayaman na agad ako, may trabaho at magandang buhay. Madali siyang maabot pero kailangan ng pagsisikap at talino upang unti-unti mo itong maabot.

Ngayon, gusto kong ilahad sa inyo kung ano/sino ako. Kadalasan ako’y dinadapuan ng sakit na katamaran, kalokohan at sumpong (baka akala niyo may sayad talaga ako #lol). Minsa’y gustong mapag-isa na mahilig sa soundtrip (mahilig akong magmuni-muni d^_^b). Palakaibigan rin naman ako, palatawa, masiyahin at malakas ang trip kung minsan. Lahat nang sinabi ko ay batay sa mga naririnig ko sa aking mga kaibigan, kamag-anak at kakilala. Laking pasasalamat ko at iyon ang tingin nila sa akin.

"Love is like an endless race, once it starts you will never stop it."
Ang pag-ibig na walang pagsisisi at panghihinayang ay tamang pag-ibig.
"Only God could love you more than I do"

Pagdating naman sa pag-ibig, alam ko naman na isa ito sa mga hinihintay niyo. Kakarampot lang ang alam ko tungkol dito marahil hindi pa ko nagkakaroon ng isang seryosong relasyon. Bata pa lang ako nagkakaranas na ako ng tinatawag nilang crush. May natitipuan ako at may nagkakagusto rin naman sa akin. Siguro ganun talaga ang buhay, walang bata na di dumaraan sa konsepto ng “crush” at “puppy love”. Tungkol naman sa tunay na pag-ibig, iniisip ko na rin ito ngunit hindi ko muna masyadong iniintindi. Ang pag-ibig kasi, inilalapit yan sa Diyos pero wala pa ako sa tamang edad para ihingi ito sa Panginoon, ang tangi kailangan kong gawin muna sa ngayon ay ang mag-aral ng mabuti. (WOW STUJENT TALAGA!) Gayunpaman, hindi parin maiiwasan ang magkagusto. Ang iniisip ko lang tungkol dito, basta walang pagsisisi at panghihinayang sa huli ay ayos na. Sa simpleng pag-amin ng nararamdaman mo sa isang tao ay hindi kasalanan basta handa ka sa kung anong mangyayari sayo pagkatapos nun. (Sabi nga rin ng iba, magaling daw akong magbigay ng payo tungkol sa pag-ibig pero alam ko naman sa sarili ko na wala pa akong karanasan ngunit may kaalaman rin naman tungkol sa mga bagay bagay na naririnig ko sa iba.)

Ang pinakamagandang gawin sa buhay upang tayo’y magtagumpay sa isang gawin ay ikunsulta muna ito sa Panginoon at humingi ng gabay. Isang malaking karangalan na mayroon kang Kristo sa puso, lahat ng bagay ay mailalapit mo sa kanya. Hindi dito nagtatapos ang lahat, alam ko may kasunod pa pero hanggang dito muna. 

Jonathan "Mr.Psalty" Abinal

No comments:

Post a Comment